Monday, August 1, 2011

SISTER ACT MUSICAL sa CEBU

Inimbitahan ako kasama ang aking mga katrabaho na manood ng SISTER ACT MUSICAL sa University of San Carlos noong Linggo.

Aaminin ko. Hindi ko siya masyadong nagustuhan.

Siguro nga dahil mahal na mahal ko ang pelikulang SISTER ACT at hinding hindi ko maipagpapalit si Whoopi Goldberg bilang isa sa aking mga pinakapabaritong artista sa Holywood. Malaki ang utang na loob ko kay Deloris van Cartier o Sister Mary Clarence. Dahil sa kanya, natuto kong mahalin ang sining ng pagkanta at teatro. Dahil sa kanya, inibig ko ang entablado. Dahil sa pelikulang ito ay naging bahagi ako ng Lorena ang Monologo, Babayi at iilang dulaang bayan, naging pangulo ng Teatro Atenista at naging tagapangasiwa ng Kabataang Artista para sa Tunay na Kalayaan (Karatula).  

Nakakapangkamot-ulo sa tuwing manonood ka ng palabas na hindi mo maintindihan. Peligro kapag hindi mo naiintindihan dahil wala kang marinig o mahina ang dinig ng musika at mga nagsasalita. Ang teknikal na aspeto pa naman ang maituturing na pinakaimportanteng kasangkapan ng isang produksyon. Kung sira ito ay sira ang lahat.

Sa kabilang banda,  OO. Aaminin ko. Magagaling ang mga artistang gumanap sa palabas. At hindi madali ang kanilang ginawa. Ikaw kaya ang umarte at kumanta ng LIVE! Daig mo pa si Leah Salonga sa Miss Saigon diba? Di maipagkakailang, Cebuanos are born Singers.

Hindi ko man siya nagustuhan, ay pumalakpak pa rin ako pagkatapos ng palabas.
Nakakatuwang isipin na buhay na buhay pa rin pala ang ganitong klaseng sining. Madalang na lang kasi akong nakakakita ng mga ganito. Kaya nagpapasalamat ako sa Direktor ng Sister Act Musical sa pagtaguyod ng ganitong sining at pagdiskubre ng di matatawarang talento. Nagpapasalamat ako sa mga batang nagsipagganap dahil ipinamalas nila sa kabataang kasama kong nanood na may mas magandang maidudulot ang pagsali ng mga ganitong gawain kaysa sa "pumarty" sa Mango Avenue. Higit sa lahat, nagpapasalamat ako kay Sister Mary Clarence sa pagbigay ng inspirasyon sa lahat ng bumubuo ng produksiyon.

Sa Young Thespians Cebu na bumuo ng produksiyon, ang aking palakpak ay para sa inyong pagtaguyod ng dulaang pilipino. Mabuhay kayo mga anak ng sining!