Ang sabi ng kalendaryong Intsik- ang 2011 ay panahon ng KUNEHO. Ito ang ika-apat sa dalawampung tanda ng Chinese Zodiac at ang eksaktong tanda ng taon ng aking kapanganakan.
SUWERTE o MALAS kaya ako sa taong ito? Ewan. Hindi ko alam. Hindi naman ako intsik (ni katiting na lahi) para maniwala. Basta ang alam ko ay hindi naisusulat sa palad ang kapalaran. Hindi ito nakaguhit sa bituin. Hindi rin ito kailan man masisilip sa bolang kristal. Ang kapalaran na gusto mong tahakin ay nakabase sa “pagpipili”- pagpili ng tamang daan, at pagpili ng tamang desisyon.
Aaminin ko, ang nakaraang taon ay naging sobrang mapagbigay sa akin. Nagmula sa pagbiyaya ng mga bagong kaibigan, bagong pamilya sa trabaho, hanggang sa paglipat ng bagong tirahan. Hindi ko alam kung magpapatuloy ang biyayang ito. Pero nagpapasalamat ako sa lahat dahil binigyan nito ng kahulugan ang pananaw ko sa aking sarili at sa buhay mayroon ang tao.
Ngayon ay panahon ng kuneho. Sasabay ako sa kanyang bilis. Makikilundag ako sa kanyang pagbabago. At tulad ng kanyang mabusising mata at malaking tenga, ay magiging mapagmatyag ako sa anu mang galaw at ingay ng hinaharap.
At itong maliit na espasyong ito ay magiging talaan ng lahat ng aking karanasan at aral na natutunan sa bagong panahon.
Maligayang Pagbabasa!
-Pilosopong Pepe
0 comments:
Post a Comment