Friday, April 22, 2011

Nakausap ko si Hesus (Orasyon ng Pinabayaan)

photo courtesy of http://thevoiceofbreakthrough.com/


(para sa isang kaibigang lulong)
tanging ang kulisap lamang
ang nasisiyahan sa liwanag
na nagmumula sa lampara.
Habang ang bawat galaw
ng guhit ng relo
ay malakas na naririnig,
ang dilim naman ay nagbabanta
ng matinding kalungkutan.

Saglit kinuha ang isang kahon,
nangangapa man sa dilim
ay huling-huli pa rin.
Buti rin, tahimik na ang lampara,
wala na rin ang kanina’y
naglalarong insekto.
Binudbod ang puting bagay
mula sa supot
at sinimulan ang nakagawiang orasyon.

Lalong tumahimik ang silid,
iginala ang mga tirik na mata
tumigil na ang galaw ng orasan
namatay na rin ang liwanag
lumutang ang katawan
pataas nang pataas…

Saglit pa’y may napansing
mukhang nakaguhit sa may dingding,
nakahihilakbot ang hitsurang tumambad
na minsan sa panaginip ay hindi mawari,
ang bawat patak ng dugong umaagos mula
sa sugat ng kanyang mukha
ay nakatatakot.

Natagpuan ko ang aking
sariling umiiyak sa awa, sa takot, sa galit
Ikaw nga, Hesus!
ang simula, ang hangganan, ang katapusan
ilan pang tulad ko ang magiging ganito?
”Diyos ko, bakit mo ako pinabayaan?”


Published  Sunday, August 24th, 2008
SUNSTAR DAVAO

0 comments:

Post a Comment